Malaki ang papel ng mga OFW sa rebolusyon ng Bayambang laban sa kahirapan, dahil ayon sa opisyal na datos, sa 2016, 10.10% ng populasyon ng Pilipinas ay OFW, at malaki ang ambag ng remittances ng mga ito sa ekonomiya ng bansa. (Sa taong 2018, 106.65 milyon na ang populasyon ng Pilipinas.) Bukod dito, nangunguna ang Pangasinan sa buong Region I at pangatlo naman ang Bayambang sa mga bayan sa lalawigan na may mataas na bilang ng mga OFW, ayon sa report ng NEDA.Dahil dito, nagkaroon ng kumbensyon para sa mga miyembro ng Bayambang OFW & Family Associations mula sa 77 na barangay ng bayan sa Balon Bayambang Events Center noong ika-6 ng Setyembre 2019, na inorganisa ni Migrant Desk Officer Gerenerio Q. Rosales at kanyang staff bilang suporta sa adhikain ng Bayambang Poverty Reduction Action Team sa ilalim ni Dr. Joel T. Cayabyab na labanan ang kahirapan sa bayan.Wika ng ama ng bayan na si Dr. Cezar T. Quiambao, “Dati ako ay isa ring OFW — for 20 years. Batid ko ang pagsasakripisyo ng isang OFW kumita lang ng sapat para sa pamilya kahit ibig sabihin nito ay mawalay sa mga mahal sa buhay ng mahabang panahon.””Ngunit hindi habambuhay kayo ay OFW, kaya ngayon pa lang ay dapat mag-isip na ang mga naiwang miyembro ng pamilya ng ibang pwedeng gawing kabuhayan.””Alam ba ninyong ang major contributor sa ekonomiya ng Pilipinas ay hindi ang mga malalaking kumpanya kundi ang mga MSMEs?” dagdag niya.Nabanggit din ng alkalde na sa P5,000 na ambag kada miyembro sa binubuong kooperatiba ng mga OFW, mga P5M din ang maiipong kapital, at sila ang magiging pinakamalaking kooperatiba sa Bayambang.Ang Bayambang OFW and Family Associations ay may dumating na 964 na officers upang makilahok sa kumbensyon. Ang mga OFW and family associations na ito ay nabuo matapos magbara-barangay ang grupo nina G. Rosales noong mga nakaraang buwan.Naroon din sina Vice-Mayor Raul R. Sabangan at Municipal Councilor Martin E. Terrado II na nagpakita ng buong pusong pagsuporta sa mga OFW at sa kanilang mga kapamilya.Nagpasalamat si Mayor Quiambao sa mga nag-organisa ng Convention, ang “prime mover” na si Action Desk Officer on Migrant Concerns Gerenerio Q. Rosales at kanyang staff, sa ilalim ng Public Employment Services Office na siya ring pinamumunuan ni PESO Manager at Supervising Labor Employment Officer Dr. Joel T. Cayabyab.Upang sa isang bagsak ay ihatid sa mga Bayambangueño OFW at sa kanilang pamilya ang mga impormasyon na dapat nilang mabatid at mga tulong pangkabuhayan (livelihood projects) na maaari nilang matanggap, nagsanib-puwersa ang mga matataas na opisyal mula sa national, provincial at regional agencies. Kabilang dito sina NEDA RO-I Assistant Regional Director Donald James D. Gawe na tumalakay sa “International Migration and Economic Development,” POEA RO-I OIC Chief Ferdinand Jose E. Merrera na tumalakay sa “Overseas Employment,” TESDA-Pangasinan Administrative Officer Genevieve C. Sanchez na nagsalita ukol sa “TESDA Skills and Training Program,” OWWA RO-I Field Welfare Officer Karenlyn L. Tan na nagpaliwanag ukol sa “Social Welfare Benefits & Livelihood Programs for OFW & Family,” Commission on Filipinos Overseas-Manila officers na sina Technical Officer Andrea Luisa Anolin at Supervising Employment Services Officer Rodrigo Garcia Jr. na tumalakay naman sa “CFO Programs & Services: LINKAPHIL & Financial Literacy Program,” at DOLE RO-I officer Geraldine Padilla na nagbigay kaalaman sa “OFW & Family Associations’ Access to DOLE Livelihood Program.”